Ako ba si superwoman?
Kung ako nga si Superwoman, bakit walang nakakaalam?
Bakit walang nakakaramdam?
Kulang and bente-kuwatro oras sa akin.
Isipin mo kung paano ko nakakaya ang lahat ng ito:
Trabaho mula alas onse ng umaga hanggang ala-sais ng gabi.
Trabaho uli sa iba mula ala-sais hanggang alas-nuebe ng gabi.
Halos alas-diyes na pagdating ko sa bahay.
Gising pa si Dani.
Karga.
Laro.
Pagngiti kasabay ng matamis na ngiti ng anghel na si Dani.
Hapunan kapag di na umiiyak at kung may ibang kakarga kay Dani.
Karga uli.
Hugas ng mga bote, linis nang konti, at laba ng isusuot ko at ni Stef sa paaralan.
Bago matapos ang lahat, alas dos na ng madaling-araw.
Maliligo.
Kapag tulog na si Dani, suwerte, makakatulog na rin ako.
Kung gising pa, kailangan karga ulit.
Aabutin ng hanggang alas-tres.
Ala-singko, magugutom si Dani.
Gatas ulit.
Ala-sais naman, gigisingin ko na si Stef para makapaghanda pagpasok sa eskwela.
Init ng tubig pampaligo, maghahanda ng almusal.
Plantsa ng isusuot.
Aayusan ng buhok si Stef.
Alas-siyete darating ang traysikel na maghahatid kay stef sa eskwela.
Si Dani, gising pa rin.
Ang totoo, umiiyak si Dani habang namamalantsa ako. Nagpapakarga siya.
Tinitiis ko lang at minamadali ang pagplantsa dahil ayoko siyang umiyak nang matagal.
Maliligo si Dani.
Matutulog.
Kailangan ihele hanggang makatulog nang mahimbing.
Maliligo si Charles.
Kapag als-diyes y media na, maliligo na ako at maghahanda sa pagpasok.
Habang nagbibihis o minsan habang naghehele ako kay Dani, tunog nang tunog and cell phone.
May nagte-text.
May nagtatanong, may nakikiusap, may sinasabing importante raw.
ANO BA 'TO?
Pagdating ko sa opisina ko, may limang taong naghihintay sa akin.
Isa-isa ko silang kakausapin kahit hindi pa ako nakapagpahid ng lipstick man lang.
Hindi ko alam kung paano matatapos ang araw na ito.
Ang alam ko lang, maraming naghihintay na trabaho sa akin ngayon.
Alam ko rin, gusto kong makasama lagi ang mahal kong anghel na si DANI.
Walang duda:
Mahirap maging ina, guro, asawa, at estudyante.
Pero naisip ko rin, hindi naman laging ganito.
Lalaki rin si Dani. Sanggol pa siya ngayon pero matatapos rin ang pagka-sanggol niya.
Doon na lang ako babawi.
Kung totoo ngang may superwoman, sigurado akong hindi ako iyon.
Higit pa kay superwoman ang aking kakayahan.
Kathang-isip lang si superwoman.
Ako ang tunay.
Tunay na ina.
Tunay na guro sa isang eskwela.
Tunay na asawa.
Tunay na nagmamahal sa pamilya
Comments