Grabe.
Hindi ko maintindihan kung ano ang una kong babasahin at itatama sa mga thesis proposal na hawak ko ngayon. Kung marami lang sana akong oras para ayusin ang lahat ng ito. Hindi ko maintindihan kung bakit ang mga estudyante ngayon, kahit nasa huling taon na sa kolehiyo ay hirap pa rin sa pagsusulat. Ang iba nga, subject-verb agreement lang, hindi pa alam.
Nakakalungkot isipin na karamihan ng mga estudyanteng nagsusulat ng thesis ay magaling lang sa pagkopya. Tapos, kahit tinuro na sa kanila ang tamang paraan ng pagsulat halimbawa ng in-text citation, wala pa rin. Marami pa ring hindi sumusunod sa pinag-aralan nila. Sayang ang effort ng nagtuturo, kung puro ganoon ang mga estudyante. Ang akala ko, tagaturo lang ako ng Research Methodology. Hindi pala. Marami akong dapat gampanan -- bilang adviser, editor, motivator, liason between students and panelist (sorry, ang hirap ng Filipino language). Gusto ko naman silang tulungan lahat dahil siyempre, gusto ko ring makapagtapos na silang lahat. Bilang magulang, alam ko ang nararamdaman ng mga magulang nila na malamang ay naka-set na ang isip na may anak silang magtatapos sa Marso 2008. Sino naman ako para kontrahin ang bagay na pinakahihintay ng mga magulang?
Ang problema, hindi lahat ng estudyante ay may kusa -- kusa sa paghahanap ng sariling materyales para sa topic nila, kusa sa paglapit sa akin kung may gusto silang linawin, kusa sa pagtatama ng grammar nila. Paano ba dapat tulungan ang mga ganyang estudyante?
Sa totoo lang, tuwing magtuturo ako ng Thesis Writing, ang daming compromises, considerations , pakiusap at extension na nangyayari. Para tuloy hindi ko na kilala ang sarili ko -- nawawala ang pagiging propesyunal. Kung dati ay very strict ako sa deadline, ngayon, kahit gusto ko, hindi ko sila mapilit na magsumite sa oras dahil ang daming excuses. Tapos, kahit gusto kong bigyan ng FAILED mark ang naisumiteng papel, ang hirap. Hindi lang sampung beses pinag-iisipan. Bumagsak man ang iba, binibigyan ko sila ng chance para makapag-revise at umayos ang grades. Kapag naman sobrang baba ng grades ng panelist, ina-adjust ko na rin ang grading system. Noon ngang 2006, may isang grupo na nanganib na bumagsak. Hindi ko matanggap na ang buong grupo nila ay hindi magtatapos. Lahat na yata ng pakiusap ginawa nila. Sa huli, kinausap ko ang mga magulang nila upang ipaliwanag ang posibilidad na hindi sila magtatapos. Pero siyempre, nakiusap din -- walang pinagkaiba sa mga anak nila. Ano pa bang dapat kong gawin kundi bigyan ng chance ang grupo? Okey lang naman iyon kung alam kong ikabubuti ng lahat ang nangyari. Walang problema sa akin kung iyon ay ikasisiya ng lahat.
Sana lang, hindi ganito ang sistema. Sana sa una pa lang, alam na ng mga estudyante ang tungkulin nila at alam dapat nila ang hangganan ng pakikiusap at pakikipagkompromiso. Sa totoo lang, nakakahiya ding magtapos nang alam mong "nakiusap" ka lang at hindi mo talaga deserve ang pagmamartsa mo sa entablado.
Uulitin ko ang unang salita na sinabi ko sa blog na ito: GRABE.
Comments